Bakbakan sa Marawi, maaring matapos ngayong buwan: PNP Chief

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 09:18 PM | Updated as of Jul 12 2017 11:48 PM

Kung pagbabasehan ang taya ng Philippine National Police, maaaring matuldukan ang giyera bago ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa Hulyo 24.

May deadline nang ibinigay ang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa pagtatapos ng sigalot sa Marawi City.

Ayon kay PNP Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, sa loob ng 10 hanggang 15 araw, maaring matapos na ang giyera, batay na rin sa taya ni Pangulong Duterte.

“He (Duterte) is very much aware of the situation,” paliwanag ni Dela Rosa. “He's being briefed every now and then about the situation doon kaya he came up with that assessment na ganoon aabutin.”

Pinag-aaralan pa rin kung palalawigin o ititigil na ang martial law sa Mindanao lalo't may mga banta pa sa seguridad na namo-monitor ang PNP.

“Sinabi nga ng Maute doon sa plano na nakuha sa video, na kapag hindi nila makuha itong… aside from Marawi, puwede nila tirahin iyong Iligan. So iyong ibang cities ng Mindanao,” ani Dela Rosa.

Ayon sa Joint Task Force Marawi, gumaganda na ang posisyon ng mga sundalo kontra Maute. Walang tigil pa rin ang opensiba ng militar kontra sa mga terorista. Mas kaunti na rin umano ang mga miyembro ng Maute ngayon.

Sa pagtataya ng Provincial Crisis Management Committee base lang sa mga nakitang pinsala, bilyong pisong halaga ang kailangan para makabangon ang Marawi.

Humiling naman ang mga lokal na opisyal na mapabilang sila sa Task Force Bangon Marawi na inatasan sa rehabilitasyon ng siyudad.

Sa Administrative Order No. 3 na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Hunyo 28, hindi kasama ang local government unit sa listahan ng mga miyembro ng task force.

Naging option lang umano ng task force kung isasama pa nila ang LGU.

Giit ni Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Provincial Crisis Management Committee, dapat isama ang lokal na pamahalaan sa pagpaplano ng rehabilitasyon ng Marawi.

“Pagdating sa management of budget, kung paano ito i-put into motion wala tayong gustong maging parte roon, gusto lang natin, makasama sa basic planning stage, pag-identify sa areas na kailangan i-rehab,” ani Adiong. “Para may sense of ownership ang victims of Marawi.” 

Sana rin daw, kung gaano katindi ang naging opensiba ng gobyerno kontra Maute, ganoon din maging katutok ang pamahalaan sa pagtulong sa mga biktima ng sigalot.

Sa huling tala ng komite, umakyat na sa 33 ang nasawing evacuees at 57 na ang nakukuhang bangkay ng mga sibilyan mula sa Marawi.

Samantala, sa kabila ng patuloy na operasyon ng militar sa Marawi City, isang sundalo ang nagpalakas sa loob ng mga apektadong residente sa pamamagitan ng paglikha ng kanta tungkol sa muling pagbangon ng lungsod.

Sa halip na mga bala, musika ang pinakawalan ni Sgt. Ronie Halasan, hindi sa mga kalaban, kundi sa mga ‘bakwit’ na patuloy na umaasang matatapos na ang bakbakan.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.