4 nahuling nangingisda sa Tubbataha Reefs

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 06:43 PM

Nahuli ang apat na mangingisdang pumasok at nagtangkang mangisda sa loob ng Tubbataha Reefs Natural Park nitong Lunes. Cherry Camacho, ABS-CBN News

PALAWAN - Dinala nitong Miyerkoles ang apat na mangingisda sa Puerto Princesa para sa inquest proceedings matapos silang mahuling pumasok at magtangkang mangisda sa karagatang sakop ng Tubbataha Reefs Natural Park.

Nahuli ng mga marine park ranger nitong Lunes ang mga mangingisdang sina Magellan Dacillo, 38, Sofroñio Dacillo, 44, Rey Ford Fernandez, 34, at ang boat captain na si Renante Rebajo, 32, pawang mga residente ng Negros Occidental.

Ayon sa park rangers, Lunes nang mag-patrolya sila sa bahagi ng North Islet ng Tubbataha nang makita ang isang bangka na tinatayang nasa 1.5 nautical miles mula sa bahura ng North Atoll.

"May namataan kaming bagay na palutang-lutang sa loob ng parke... So nung nakita namin, may nakita kaming flag so naghinala na kami na nangisda sila," ani Segundo Conales, Marine Park Ranger. 

Nadiskubre ng mga park rangers na kababagsak pa lamang ng fishing gear ng mga ito sa dagat.

Agad namang sumama sa mga park ranger ang mga mangingisda.
Giit ng boat captain nito, hindi nila alam na nakapasok na sila sa loob ng protected area, kung saan bawal mangisda.

"Hindi po namin alam na nakapasok na kami...compass lang kasi ginamit ko," ani Rebajo.

Paghuli ng pusit ang kabuhayan ng mga ito kaya karaniwang sa malalayo at open sea sila nangingisda.

Handa naman umano silang harapin ang kanilang kaso.
Mahaharap ang mga nahuli sa paglabag sa Republic Act 10067 o Tubbataha Reefs Natural Park Act of 2009.