Menor de edad natagpuang patay sa motel

Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2016 04:15 PM

CAGAYAN DE ORO – Isang babaeng menor de edad ang natagpuang patay sa loob ng kwarto ng isang motel sa Cagayan de Oro City.

Kuha sa CCTV noong Hulyo a-10 ang pag check-in ng isang lalaki sa hotel ng mag-isa. Kinabukasan, kasama na ng lalaki ang biktima sa motel. Hatinggabi naman nang matagpuan ang nakahandusay na bangkay ng biktima kung saan binalot pa umano ng plastic ang mukha nito.

Mag isang nag-check out din umano ang suspek pasado alas-dos ng hapon kahapon.

Di naman matanggap ng pamilya ng biktima ang nangyari lalo't magdiriwang pa naman sana ito ng kaarawan sa susunod na linggo.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa suspek. Pero ayon sa pulisya, Jason Caram ang pangalang isinulat nito sa logbook.

Base sa video, may taas itong 5'5" at higit 30-anyos na.

Posible umanong hindi residente ng Cagayan de Oro ang lalaki dahil higit 24 oras na ito naka check-in sa hotel.

Tinitingnan din umano ng pulisya ang angulong love triangle dahil hindi umano nobyo ng biktima ang kasama sa hotel.

Patuloy pa ang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek.

Kasalukuyang nasa Bollozos Funeral Homes na rin ang katawan ng biktima at inaasahang ipasasailalim ito ng pamilya sa autopsy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.