6 na batang binubugaw sa Baclaran, na-rescue

Ernie Mano, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2016 09:32 AM

MANILA – Anim na menor de edad na umano'y binubugaw ng isang lalaki sa Baclaran, Parañaque ang na rescue ng awtoridad.

Sa bisa ng City Curfew Ordinance, nasagip ng pinagsamang pwersa ng Police Community Precinct ng Baclaran, mga opisyal ng barangay at Women and Children's Concern Desk (WCCD) ang anim na bata Martes ng madaling araw.

Ayon sa awtoridad, nakatambay ang mga ito sa bahay ng isang tinatawag nilang 'Kuya Patrick' o Patrick Capan.

"Binubugaw niya ang mga yan," sabi ni Barangay Ex-O Danny Punzalan.

Todo tanggi naman ang umano'y bugaw.

"Hindi po totoo, magkakaibigan lang kami," tanggi ni Capan.

Hindi taga Baclaran ang mga nahuling menor de edad at hindi ito ang unang pagkakataong nakatanggap ng reklamo ukol sa mga bata ang barangay mula sa mga residente.

Naabisuhan na ng WCCD ang mga magulang ng mga bata.

Mananatili muna sa kustodiya ng WCCD ang mga bata habang pinag-aaralan pa kung kakasuhan ang mga magulang ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.