5 patay sa aksidente sa Nueva Ecija

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2016 11:42 AM | Updated as of Jul 12 2016 04:57 PM

CARRANGLAN, Nueva Ecija (UPDATED) – Limang katao ang namatay habang umabot sa 29 ang sugatan matapos na maaksidente ang sinasakyang pampasaherong bus, Martes ng madaling araw sa Nueva Ecija.

Nakilala ang isa sa mga nasawi na si Cecile Pinpin Cabuslay, 31 anyos, mula Cagayan. Idineklara itong dead on arrival sa pagamutan.

Ang Victory Liner na may plate number AYK 552 ay may sakay na 35 na katao, kabilang na ang driver at kunduktor nito. Galing ang bus sa Cagayan at pabalik na sana sa Caloocan nang maaksidente. 

Ayon kay Police Senior Inspector Adriano Gabriel Jr., nawalan ng kontrol ang bus driver na si Ryan Manuel matapos lumampas sa pakurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay Putlan.

Dahil dito, natumba patagilid ang bus at tumama sa concrete barriers ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kasalukuyang bineperipika pa ng awtoridad ang mga pangalan ng sugatang pasahero.

Nagsampa na ng kasong multiple homicide at multiple physical injuries ang pulisya laban sa driver ng bus na kasalukuyang nasa kustodiya ng Carranglan police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.