5 drug suspect, patay sa engkuwentro sa Novaliches

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2016 12:01 PM

Limang hinihinalang sangkot sa droga ang patay matapos umanong makipagbakbakan sa mga tauhan ng Quezon City Police District Station 4 sa Sitio Kawayan, Bgy. San Agustin sa Novaliches, Quezon City, Martes.

Ayon kay QCPD director Guillermo Eleazar, nagkasa sila ng buy-bust operations laban sa lima. Nanlaban ang mga suspek nang matunugang pulis ang katransaksiyon nila.

Paliwanag ni Eleazar, matagal na nilang minamanmanan ang umano'y kilabot na grupo. Isa umano sa mga napatay ay dati nang sumuko ngunit bumalik din sa ilegal na gawain.

Nakuha sa crime scene ang mga baril at granada. May natagpuan ding tatlong kinatay na motorsiklo ang mga operatiba.

Samantala, isa namang police asset ang binigti umano ng limang suspek.

Patuloy na kinikilala ng mga awtoridad ang mga napatay sa operasyon. -- Ulat ni Jeffrey Hernaez, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.