PatrolPH

Mga pamilyang higit 1 taon nang lumikas sa Taal hiling ang permanenteng tirahan

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2021 04:29 PM | Updated as of Jul 11 2021 06:24 PM

(UPDATE) Hindi lang 1 linggo o 1 buwan kundi higit 1 taon nang nasa evacuation ang pamilya ni Helen Miranda, dating nakatira sa Taal Volcano Island.

Ang mga tent at pinagtagpi-tagping trapal muna ang nagsilbi nilang tirahan.

"Noong unang pumutok, kami'y tarantang taranta. Kung ano na lang makita mo, dadamputin mo. Nagpanic na kami," kuwento ni Miranda.

"Nagtitiis anong buhay mayroon kami dito pero napakahirap," dagdag niya.

Ayon pa kay Miranda, sinubukan pa nilang bumalik ng pulo pero hindi na pinayagan dahil idineklara na itong permanent danger zone.

"Nakakaiyak na ganoon ang nangyari sa aming lugar. Daming memories doon," aniya.

Sa evacuation center sa Talisay, Batangas tumutuloy ang higit 100 pamilya pinalikas mula Volcano Island matapos sumabog ang Bulkang Taal noong nakaraang taon.

Nanawagan umano silang mabigyan sila ng mga permanenteng tirahan.

Watch more News on iWantTFC

Bagaman marami sa mga evacuee ang nakahanap na ng mga bagong trabaho, hirap pa rin silang makapagsimula muli.

"May nagsasabi na maghintay daw po... Level 3 na naman ang bulkan. 'Di ko alam saan na naman kami pupunta," sabi ni Merlina Manguinao.

"Saan nanaman po kami dadalhin? Wala kaming lupa at bahay. Kailangan namin ng tulong ng gobyerno," ani Mariasalve Corobella.

Ipinaliwanag naman ni Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan na may nakita na silang relocation site pero hindi pa nasisimula nang proyekto dahil sa dami ng rekisito.

Humingi ng paumanhin si Natanuan dahil posibleng matagalan pa ang paglipat ng mga evacuee.

"Ang pagpapalipat ng evacuees ay hindi ko po masasabi kung kailan," ani Natanauan.

"Hanggang ngayon nandun pa rin ang lugar pero hindi pa rin tumatakbo ang proyekto kasi andaming requirements ng [National Housing Authority]," aniya.

Sa bayan ng Balete, bagaman hindi pa kasama sa high risk na mga lugar, lumikas na ang ilang residente ng Barangay San Sebastian dahil sa pag-alboroto ng Bulkang Taal.

Matapos ang 1 linggong paninirahan sa evacuation center, ramdam na ng mga evacuee ang iba't ibang suliranin.

"Pagka po sa internet, nahihirapan po kami gawa po ng mahina po minsan ang signal. Hindi po kami makapagsearch ng kailangan sa school," sabi ng evacuee na si Jeleen Mendoza.

Sa nakalipas na 24 na oras, 74 na volcanic earthquake ang naitala ng Phivolcs sa Bulkang Taal.

Mataas pa rin ang sulfur dioxide emission na umabot sa halos 6,500 tonelada.

Wala namang naitalang phreatomagmatic eruption sa bulkan pero nananatili pa rin ito sa Alert Level 3.

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.