'Nakagisnan na': ABS-CBN viewers dumadaing sa 'pagpatay' sa network franchise

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 05:28 PM | Updated as of Jul 11 2020 06:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nalungkot ang ilang viewers ng network giant na ABS-CBN matapos ibasura ng Kongreso ang aplikasyon nito para sa bagong prangkisa. 

Ang anak ng may-ari ng karinderya na si Marlene Tamayo, naiyak nang mabalitaan ang nangyari. 

Umaasa pa kasi sila na makababalik ang Kapamilya channels sa ABS-CBN TV Plus. 

"Nakakalungkot lang kasi wala nang mapanood. (Eh yung anak po ninyo?) Umiiyak kaya yung cellphone pinalo-loadan na lang namin,” ani Tamayo. 

Maaalalang nasa 70 mambabatas ang bumoto pabor sa resolusyon na binuo ng technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, kumpara sa 11 na tumutol dito.

Ipinatigil din noong Mayo 5 ng National Telecommunications Commission ang pag-broadcast ng ABS-CBN isang araw matapos mapaso ang prangkisa nito.

Ilang taon ding inupuan sa Kongreso ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong lisensiya.

Gaya ni Tamayo, nakagisnan na ng ilan gaya ni Anna Sapilan ang panonood sa network kaya nanawagan siya na ipagkaloob na ang prangkisa sa network giant. 

“Yun lang naman ang kinagisnan naming mula nang bata kami. Kaya sana bigyan ang ABS-CBN kasi ‘yun lang pinapanood ng mga anak ko, biyenan ko, lahat,” ani Sapilan. 

Para naman sa ilan, gaya ni Jocelyn Cail, hindi naging patas ang kinalabasan ng mahabang pagdinig. 

"Hindi pantay eh. Hindi patas ang gawa nila. Kawawa naman ang mga ano ng ABS-CBN, ano bang problema? Ibibigay na lang ang prangkisa andami pang sinasabing cheche bureche,” ani Cail. 

Ang ilan naman, iginiit ang kahalagahan ng ABS-CBN ngayong may pandemya, gaya ng tindera na si Vivian Baranda. 

“‘Yun na po ang buhay namin, ‘yun na po ang buhay ng tao, pag kami ay busy, pag kami ay stressed, pag nakapanood napo kami sa balita sa Teleradyo, TV Patrol, Showtime, nakakawala po ng stress, nakakawala po ng problema. Yun akin pong lola, pag nakanood ng Showtime yun po ang stress reliever niya,” ani Baranda. 

Nag-trending din sa social media ang mga hashtag na #NoToABSCBNFranchiseDenial, #IbalikAngABSCBN at #WeAreOneKapamilya. 

Bumuhos din ang samu’t saring mensahe ng pakikiisa sa Kapamilya Network ang mga netizen mula sa iba’t ibang panig ng mundo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.