May sintomas ba ng sakit na karaniwan sa maulan na panahon? Magpakonsulta, ayon sa DOH

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 04:14 PM | Updated as of Jul 11 2020 04:49 PM

MAYNILA - Sakaling makaranas ng mga sintomas na may kinalaman sa mga karamdamang nakukuha tuwing tag-ulan gaya ng dengue o kaya'y ubo at sipon, magpakonsulta sa doktor.

Ito ang mungkahi ng Department of Health lalo't may mga sintomas ang COVID-19 na kapareho ng mga sakit na ito. 

"Kung kayo ay nakakaramdam ng ganitong mga sintomas, para lang ho tayo makakasiguro, makapagpa-checkup," ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang briefing, Sabado. 

Kung magpapakonsulta, ipinayo ni Vergeire na alalahanin kung may mga nakasalamuha na hinihinala o kumpirmadong kaso ng COVID-19. 

Ito aniya ay para mas mapadali para sa doktor na mabigyan ng lunas ang karamdaman ng kumokonsultang pasyente. 

"[Dapat] masigurado na suspect to probable o confirmed case ng COVID-19 para maibigay natin 'yung detalye sa ating mga doktor para mabigyan kayo ng tugon diyan po sa nararamdaman niyo," ani Vergeire. 

Ilan lamang sa sintomas ng COVID-19 ay ang pamamalat ng lalamunan, pagtatae, pananakit ng ulo, at paghina ng panlasa at pang-amoy ng pasyente. 

Hunyo 12 nang ideklara ng PAGASA ang pagpasok ng tag-ulan sa gitna ng nararanasang pandemya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.