MAYNILA - Nagbabala ang Department of Health sa publiko laban sa mga ilegal na coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing centers na gumagamit ng pangalan at logo ng ahensiya kahit hindi sila accredited.
Naglabas muli ng listahan ang DOH ng 83 lisensiyadong COVID-19 testing centers at laboratoryo sa buong bansa na maaaring magsagawa ng swab test o tinatawag na RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) testing.
Karamihan dito nasa Metro Manila, pero may mga testing lab na rin sa iba't ibang probinsya gaya ng Benguet, Ilocos Norte, Bataan, Pampanga, Laguna, Camarines Sur, Iloilo, Cebu, Leyte, Zamboanga del Sur, Davao del Sur at iba pa.
Babala ng DOH, anumang laboratoryo o pasilidad na wala sa listahan ay walang pahintulot sa ahensiya. Nag-abiso muli ang kagawaran matapos kumalat sa social media na may mga pasilidad na gumagamit pa ng logo ng DOH pero di naman lisensiyado.
Pinag-iingat ng DOH ang publiko laban sa mga ganitong ilegal na gawain. Ayon sa DOH, wala silang ineendorso na testing center o laboratory at wala ring pahintulot na gamitin ang logo nila sa mga promotional at marketing materials.
Sa ngayon, may 178 pa na application para maging lisensiyadong laboratoryo ang inaasikaso ng DOH para madagdagan ang bilang ng accredited COVID-19 testing facility.
Para sa kumpletong listahan ng COVID-19 testing labs, pumunta lang sa website o Facebook page ng Department of Health Philippines.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
COVID-19 Philippines updates, COVID-19 Philippines testing centers, PH coronavirus testing centers, Tagalog news, DOH