Bishop Pabillo: Babangon muli ang Pandacan Church

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 09:36 AM

MAYNILA - Nakidalamhati ang Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila na si Bishop Broderick Pabillo sa mga parishioner ng Sto. Niño de Pandacan Parish sa Maynila matapos na masunog ang simbahan nitong Biyernes.

Natupok ng apoy ang malaking bahagi ng simbahan. Nasunog rin ang maraming mga kagamitan gaya ng mga upuan at maging ang ilang sagradong imahen.

Sa panayam sa Radyo Veritas nitong Biyernes, nagpasalamat si Pabillo at walang namatay o nasugatan sa insidente at walang katabing bahay ang nadamay sa sunog. Nakiusap naman ang obispo na ipagdasal ng publiko ang parokya para makabangon muli.
 
Maraming parishioners din ang nalungkot sa pangyayari lalo’t naghahanda na sana sila para sa unang misa sa Linggo kung saan puwede nang magsimba ang mas maraming deboto sa loob ng simbahan. Pero hindi muna matutuloy iyon dahil sa sunog na nangyari.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali at umabot ng ikatlong alarma bago naapula. Inaalam pa rin ang sanhi ng sunog.
 
Hinahanap pa rin ngayon ang 400-taong imahen ng Sto Niño de Pandacan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.