Bintana ginawang barrier: Mga nag-aangkas sa motor sari-sariling sikap para di masita

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2020 06:21 PM | Updated as of Jul 11 2020 07:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Para-paraan sa paggawa ng protective shield ang ilang motorcycle rider na may kaangkas para hindi masita ng mga awtoridad. 

Ito ay alinsunod sa panuntunan ng gobyerno na pinapayagan ang mag-asawa o kaya mga mag-live in na mag-angkas sa iisang motorsiklo basta’t may protective shield na ginagamit. 

Bintana ng bahay ang ginamit na barrier ng isang motorista para makabiyahe. ABS-CBN News

 

Ang ilan, gaya ni Allan Alinday, bintana ng bahay ang ginamit na barrier para makabiyahe papuntang palengke. 

“Yan ang dapat po eh, para makapamalengke at biyahe kami kahit saan po,” ani Alinday. 

Sa ngayon, tinitiketan ng PNP Highway Patrol Group ang mga motoristang lalabag sa mga panuntunan ng gobyerno. 

Pero giit ni Jobert Bolanos, spokesperson ng Motorcycle Rights Organization hindi naman kinakailangan ng barrier o protective shield kung mag-partner lang din ang aangkas. 

“The gears we wear—the helmet, jacket, gloves—are already a form of PPE. Higher level pa in some cases kasi enclosed talaga ang mukha,” ani Bolanos. 

Dagdag niya, takaw-aksidente ang inaprubahang prototype model ng pamahalaan. 

“As air moves around the barrier, the turbulence goes behind the barrier and towards the passenger,” ani Bolanos. 

Pero giit ni Joint Task Force COVID Shield Commander Guillermo Eleazar, dumaan ang panuntunan sa pag-aaral ng mga eksperto. 

 “Base sa IATF, ito ay pinag-aralan nila. Ito ay dahan-dahan sa pagpunta natin sa pagluwag,” ani Eleazar. 

Inaasahang mapapayagan na rin ang pag-angkas ng iba pang miyembro ng pamilya sa madaling panahon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.