UN body pabor sa hiling na ulat ukol sa human rights sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 08:27 PM | Updated as of Jul 12 2019 09:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaboran ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang resolusyon ng bansang Iceland na nananawagan para sa komprehensibong ulat sa lagay ng karapatang pantao sa Pilipinas.

Kasama rito ang umano'y extrajudicial killings bunsod ng madugong "war on drugs."

Sa 41st regular session ng konseho sa Geneva, Switzerland, 18 bansa ang pumabor sa resolusyon, 14 ang kumontra, at 15 ang nag-abstain.

Layon ng resolusyon na makuha ang kooperasyon ng Pilipinas para sa pagsusuri ng mga ahensiya ng UN sa sitwasyong dulot ng war on drugs ng administrasyon.

Sa resolusyon ng Iceland, sinabing itinutulak nila ang imbestigasyon dahil 33 pahayag na ang inilabas ng 11 UN special rapporteurs, na naaalarma sa sitwasyon ng human rights sa Pilipinas.

Inaatake at tinatakot din umano ang sino mang nagbabalak mag-imbestiga sa Pilipinas, kabilang na sina Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Execution Agnes Callamard at Special Rapporteur on the Rights of Indigenous Peoples Vicki Tauli-Corpuz.

Sa isang pahayag naman, agad kinondena ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin ang naging resulta ng botohan at sinabing ibinase ang resolusyon sa maling impormasyon.

Nauna nang sinabi ng pamahalaan na "politically motivated" ang naturang hakbang ng Iceland.

Itinanggi din ng gobyerno na libo-libo ang napapatay nang walang kalaban-laban.

Sa huling ulat ng Philippine National Police (PNP) noong Hunyo, sinabi nitong mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 1, 2016 hanggang Mayo 31, 2019, nakapagtala lamang sila ng 6,600 napatay na drug suspek, malayo sa tantiya ng iba't ibang grupo.

Sa bilang ng New York-based Human Rights Watch sa kanilang 2018 World Report, tinatayang 12,000 ang napatay ng pulisya at iba pang di kilalang salarin.

Patuloy namang ipinagmamalaki ng pulisya na 240,565 ang kanilang naaresto, at 1,530,574 ang kusang sumuko sa malawakang kampanya nila kontra droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.