7 sasakyan nagkarambola sa NLEX; Bus nahulog sa tulay

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 10:32 AM | Updated as of Jul 11 2019 08:53 PM

MAYNILA (2nd UPDATE)—Dalawa ang sugatan matapos magkarambola ang 7 sasakyan sa NLEX nitong Huwebes ng umaga, dahilan para mahulog ang isang pampasaherong bus sa tulay malapit sa San Fernando exit northbound.

Dalawang pasaherong sakay ng magkaibang SUV ang nagtamo ng minor injuries sa paa at ulo.

Nakaligtas naman ang 6 na pasahero ng bus, maging ang driver at kundoktor nito.

Bukod sa 2 SUV at bus, kabilang sa karambola ang isang trailer truck, flatbed trailer at iba pang kotse.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naglilinis ang road sweeper ng NLEX dahilan para bumagal ang mga sasakyan maliban sa isang trailer truck.

“Dumating naman ’yung trailer truck, na accordingly ayon sa mga witnesses natin ay mabilis. At nu’ng mag-preno na ay di na nakontrol ’yung truck kaya may mga nasagi na along the way. Kada iwas niya may nababangga," ani Police Lt. Col. Levi Basillio, hepe ng San Fernando Police.

Nagdulot naman ng mabagal na daloy ng trapiko ang karambola.

 

Ayon kay Jerald Navarro, driver ng trailer truck, may isang kotseng inagawan siya sa linya.

"Nakapagpreno, di kumagat ang preno kaya kinabig ko papuntang kabila, ayun na du’n na nangyari ang karambola," aniya.

Bumagsak naman ang bus sa isang SUV na nakaparada sa ibaba ng tulay.

Haharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple damage to property and physical injuries ang driver ng truck. —Ulat nina Zhander Cayabyab at Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.