Tindera nasalisihan ng lalaking nagpanggap na supplier ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap na ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking nakuhanan ng CCTV na nagpanggap na empleyado ng isang water service provider at nambiktima sa isang vendor sa Baesa, Quezon City.

Natuklasan na modus ng lalaki na samantalahin ang kawalan ng tubig para makapagnakaw.

Batay sa CCTV ng Barangay Baesa, kitang nag-iikot ang isang lalaki sakay ng kaniyang motorsiklo. Pinuntahan pala niya ang vendor na si Marilyn Asilo na noo'y nagbabantay sa kaniyang puwesto. 

Nagpanggap muna ang salarin na bibili ng 100 pirasong hot cake at nang malaman na walang tubig sa lugar, sinamantala nito ang sitwasyon at nagpakilala umanong empleyado ng water concessionaire. 

Nangako raw ang lalaki na magbibigay ng libreng tubig kina Asilo.

Dahil nagtiwala, isinama ng biktima ang salarin sa kanilang bahay at doon na nakuha ang bag nito na naglalaman ng pera at cellphone. 

"Sabi niya bibigyan kami ng tubig at andiyan ang truck nila... Ang laki ng katawan mo, naka-motor ka pa, hindi ka na naawa sa 'min nagbe-vendor lang kami," sabi ng ginang. 

Payo naman ng barangay, huwag agad magtiwala sa mga hindi kakilala. 

"Sana sa mga kabarangay ay huwag po tayo kasi basta magtitiwala sa mga hindi kilala," ani Gemma Juan, chairman ng Barangay Baesa. 

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang QCPD para makilala at matugis ang salarin.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.