Paolo Duterte nagpahiwatig ng namumuong 'kudeta' sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 06:39 PM | Updated as of Jul 12 2019 12:16 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila pinalutang ni Davao City Rep. Paolo Duterte, panganay ni Pangulong Rodrigo Duterte, na maaaring magkaroon muli ng "kudeta" sa Kamara dahil "hindi pa tapos" ang tunggalian ng mga nag-aambisyong maging House Speaker. 

Nitong Huwebes, kinuwestiyon kasi ng nakababatang Duterte kung bakit nakikipagpulong na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano sa mga mambabatas ukol sa committee chairmanships gayong Hulyo 22 pa ang halalan sa pagka-Speaker. 

"May election pa sa July 22 at doon ako mas interesado, kung sino ang mananalo kasi may bali-balita, may isa sa tao na balak mag coup d’ etat (kudeta) on the day. Mukhang hindi pa tapos ang laban para sa kanilang tatlo at sa mga backers," sabi ni Duterte. 

Matatandaang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang basbas niya sa "term-sharing" nina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Si Cayetano ang uupo bilang Speaker sa unang kalahati ng Kongreso at mamanahin naman ni Velasco ang posisyon sa matitirang panahon ng 18th Congress.

WALA PANG SIGURADO

Samantala, sinabi rin ng ruling party na PDP-Laban na di pa solid ang mga mambabatas nila para kay Cayetano.

"He still has to convince his electors. Sa July 22 he has to make sure na kumbinsido na ang lahat... Negotiate with all the factions, put everything in writing para klaro," sabi ni Sen. Koko Pimentel, pangulo ng PDP-Laban. 

Sinabi rin na "theoretically possible" o hindi malabong maganap muli ang kudeta sa Kamara.

"Theoretically everything is possible, kasi ang collegial body gano'n naman talaga."

Matatandaang sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo noong isang taon ay pinatalsik ng mga kongresista si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at palihim na iniluklok si Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong House Speaker. 

Magiging Speaker ang kandidato na may boto ng majority o mahigit sa kalahati ng mga kongresista na isa-isang boboto.

Pag may Speaker na, pansamantalang gagamitin ang rules ng nakaraang Kongreso hanggang magkaroon ng bagong rules.
    
Saka rin ihahalal ang 14 na bagong deputy speaker, secretary general, at sergeant at arms.

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.