Nagsimula nang higpitan ng gobyerno ang pagpapapasok ng mga foreign worker sa Pilipinas kasunod ng ilang puna at batikos sa dumaraming banyagang manggagawa sa bansa.
Sa bagong panuntunan, binago ng Department of Labor and Employment-Bureau of Local Employment (DOLE-BLE) ang patakaran sa pagkakaroon ng special working permit ng mga foreigner, na dati ay nire-renew lang ng mga kumukuha nito.
"Under the [new] policy, ang issuance po ng special work permit ay one time na lamang po, non-extendable, maximum of 6 months," sabi ni BLE director Dominique Rubia-Tutay.
Ayon sa ahensiya, makakapagtrabaho lang nang mas mahaba sa 6 na buwan ang dayuhan kung mayroon itong alien employment permit. Pero dapat mapatunayang regular na empleyado ng kompanya ang banyaga bago mapayagan.
Obligado na silang kumuha ng tax identification number (TIN), ayon sa Department of Finance.
"Anybody working in the Philippines has to pay taxes, just as Filipinos who are working abroad pay taxes," sabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez.
Ang isang kompanya na gustong kumuha ng foreigner, dapat na rin munang kumuha ng certificate of no-objection sa DOLE.
Ang bawat posisyon kasi na iaalok ng mga kompanya sa mga foreigner ay maari na ngayong harangin sa DOLE kung may Pilipino naman na puwede sa posisyon.
Suportado naman ng isang labor group ang ginawang reporma ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan.
Pero anila, posible itong makaapekto sa mga overseas Filipino worker (OFW).
"Aming kinababahala baka i-apply din ang ganito kastrikto na mga polisiya du'n sa mga OFW, sa undocumented Filipino workers sa China for example, at sa ibang bansa," sabi ni Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) spokesman Alan Tanjusay.
Kung mangyari daw ito, maaaring ma-deport din ang mga undocumented OFW.
Maaalalang naalarma ang ilang mambabatas sa dumadaming manggagawang banyaga sa bansa, partikular na ang mga Chinese.
—Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, labor, manggagawa, OFW, banyaga, foreign workers, DOLE, Department of Labor and Employment, Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, Bureau of Local Employment, special work permit, alien employment permit, tax identification number, certificate of no-objection