P300,000 halaga ng 'shabu' nasamsam; 3 tiklo sa QC buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 05:52 AM

MAYNILA—Nasamsam ng mga pulis ang nasa P300,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Sangandaan, Quezon City Miyerkoles ng gabi.

Timbog rin ang 2 babae at 1 lalaki na pawang nasa drugs watch list ng barangay.

Ayon kay Police Lt. Col. Alex Alberto ng Quezon City Police District (QCPD) Station 3, target ng operasyon ay si alyas Evelyn na dati umanong police asset.

Napag-alaman na isa siya sa nagsu-supply ng droga sa mga jeepney driver ng barangay.

Nasamsam sa mga suspek ang nasa 40 gramo ng umano'y shabu. Itinanggi naman nila na kanila ang mga nakumpiskang droga.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.