Natibag ng parte ng kalsada sa Davao City, ikinababahala

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 09:00 PM

Lumambot umano ang lupa dahil sa malakas na ulan kamakailan at sanhi na rin ng lindol nitong Martes. Andoreena Causon, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Nangangamba ang mga residente at mag-aaral matapos magiba ang bahagi ng kalsada sa Sitio Marahan, Marilog sa lungsod na ito.

Gumuho ang lupa dahil sa malakas na ulan kamakailan.

Halos hindi na makatulog ang residenteng si Arnel Senadon sa takot na baka matibag ang kaniyang bahay na nasa gilid ng daan.

Nakita rin ang malaking bitak sa daan matapos ang lindol noong Martes ng gabi.

Aabot sa higit 700 na mag-aaral sa elementarya at high school ang dumadaan sa naturang kalsada araw-araw.

Umaasa si Reynaldo Francisco, principal ng Marahan National High School, na maaksiyunan agad ng gobyerno ang problema para maiwasan ang aksidente.

Isinisi ng mga residente ang kawalan ng drainage sa lugar at ang itinayong school building kung bakit humina ang pondasyon ng lupa.

Tinambakan na ng City Engineer’s Office ng lupa ang gumuhong daan at magsasagawa ng riprap kung kinakailangan.

Nangako naman ang contractor ng school building na magtatayo sila ng pader.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.