Lolo patay matapos nakawan, sakalin ng lubid sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 08:47 PM

DAVAO CITY—Patay ang isang 77-anyos na lalaki matapos umanong nakawan at sakalin ng lubid sa lungsod na ito.

Nakita na lang ng mga kapitbahay Huwebes na nakahandusay ang bangkay ni Alfredo Saramosing sa loob ng bahay nito sa Barangay Inayangan. 

May sugat sa leeg ang matanda at narekober sa crime scene ang lubid na pinaniniwalaang ginamit sa pagsakal nito.

Robbery ang tinitingnang motibo sa krimen dahil nawala ang pitaka ng biktima na may laman na passbook at pera.

Nahuli naman ng mga awtoridad ang isang suspek na kinilalang si Gino Bravo na tumangging may kinalaman siya sa krimen.

Naunang dinakip ng pulisya ang isang lalaki pero pinakawalan nila ito matapos malaman sa imbestigasiyon na siya pala ang witness sa nangyaring krimen at idinawit lang siya ng suspek.

Haharap sa kasong robbery with homicide si Bravo na dati ng nadakip sa mga insidente ng pagnanakaw. —Ulat ni Andoreena Caucason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.