Lalaking galing sa hearing, patay sa pamamaril sa Mandaue City

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 08:51 PM

MANDAUE CITY - Patay sa pamamaril ang isang 53 anyos na lalaking galing sa hearing sa Mandaue City Hall of Justice Huwebes ng hapon.

Pauwi na sana ang biktima na si Teodoro Mejaras matapos dumalo sa kaniyang hearing sa kasong illegal possession of firearms nang pagbabarilin ng mga lalaking nakamotorsiklo pasado alas-4 ng hapon.

Ayon sa asawa ng biktima na si Gina, naglalakad sana sila patungo sa terminal ng jeep nang biglang huminto ang motor lulan ang mga salarin at binaril sa ulo at katawan ang kaniyang asawa na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Dagdag pa ni Gina, walang kaalitan at banta na natanggap ang kaniyang asawa.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen.

Susuriin din ng pulisya ang mga CCTV malapit sa crime scene.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.