Lalaki patay matapos tusukin ng bareta sa mukha sa Laoag

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 08:54 PM

Patay ang isang 63-anyos na lalaki matapos tusukin ng bareta sa mukha sa Barangay Talingaan, Laoag City nitong Huwebes. Kuha ni Lemuel Salvador

Patay ang isang 63-anyos na lalaki matapos tusukin ng bareta sa mukha sa Barangay Talingaan, Laoag City nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Orlando Felix at ang suspek na si alyas "Jun" na ka-barangay ng biktima.

Natagpuan ang bangkay ni Felix sa isang damuhan sa nasabing barangay kung saan siya kumukuha ng damo para sa kaniyang alagang baka.

Matapos ang ilang oras, matapos ang pagdiskubre sa bangkay ng biktima, sumuko rin ang suspek sa mga pulis.

Bago ang insidente, nakita umano ng ilang residente ang suspek na duguan hawak ang bareta at kagagaling lang sa pinangyarihan ng krimen.

Pinag-aaralan na ng pulisya kung ang motibo ng krimen ay ang matagal nang alitan ni Felix at ng suspek tungkol sa sakop ng pinagkukunan ng damo para sa mga alagang baka ng biktima.

Pero sabi ng barangay captain na si Juanito Andres Sr., naresolba na ang alitan.

Sasampahan pa lang ng kasong murder ang suspek. 

-Ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.