Korean restoran sa QC binulabog ng pagsabog; 2 sasakyan napinsala

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabulabog ng pagsabog mula sa hinihinalang granada ang harapan ng isang restoran sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling-araw. 

Basag ang mga paso at bumagsak pa ang isang ilaw sa labas ng isang Korean restaurant sa kanto ng Scout Tuazon at Timog Avenue sa Barangay South Triangle.

Mga volunteer crime watcher sa isang kalapit na outpost ang nakarinig ng pagsabog bandang alas-12:30 ng madaling araw. 

"May narinig kaming malakas na pagsabog diyan kaya tiningnan namin. Noong nalaman kong may sumabog, tumawag ako agad sa Station 10 (ng Quezon City Police District o QCPD)," ani Arnold Picardall.

Nagasgas din sa pagsabog ang 2 sasakyang nakaparada sa harap ng kainan. 

Sa ulat ng QCPD explosives and ordnance division, narekober ang safety lever, striker spring, at mga fragment ng MK-2 fragmentation hand grenade. 

Sa CCTV ay makikita ang pagtigil ng isang sasakyan sa kanto ng Scout Tuazon at Scout Madriñan ilang minuto bago ang pagsabog. 

Person of interest ngayon ang lalaki sa CCTV, na hawig sa lalaking nakita ng ilang witness na naghagis umano ng isang paper bag sa kainan bago narinig ang pagsabog. 

"In-assure natin sa publiko na hindi ito terror attack. Dahil ang mga establishment na ito closed pa at walang casualty o biktima," sabi ni Police Lt. Col. Louise Benjie Tremor, hepe ng Kamuning police station. 

Sinisilip na ng pulisya ang ibang mga kuha ng CCTV sa lugar. 

Inaalam pa rin ang motibo sa pagpapasabog. 

— Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.