50 estudyante sa Imus hinihinalang na-food poison sa iced tea

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 03:09 PM | Updated as of Jul 11 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Aabot sa 50 estudyante sa isang paaralan sa Imus, Cavite ang nakaramdam ng pananakit ng tiyan, pagdudumi, pagkahilo, at pagsusuka sa nakalipas na 2 araw matapos umanong makainom ng iced tea. 

Pawang mga high school students ng Imus Institute Dimasalang Campus ang mga biktima pero hindi pa tiyak kung sa canteen ng paaralan o sa ibang stall nabili ang iced tea.

Hindi pa umano matukoy ng mga awtoridad kung dahil sa inumin mismo o ang yelong ginamit ang naging sanhi ng insidente. 

Ayon kay Loida Sta. Maria, Vice President For Academic Affairs ng paaralan, 46 sa mga naospital ang isinugod sa Our Lady of the Pillar Medical Center habang may apat na isinugod sa Medical Center Imus nang makaranas ng mga sintomas ng food poisoning. 

Ayon sa pamunuan ng Our Lady of the Pillar Medical Center, mula hapon ng Miyerkoles hanggang Huwebes dumagsa ang mga pasyente sa kanilang ospital. 

Kinansela ng paaralan ang pasok ng mga estudyante hanggang Biyernes para maimbestigahan ang insidente. 

Acute gastroenteritis ang naging diagnosis sa mga pasyente pero hindi inaalis ng ospital at paaralan ang posibiliad na na-food poison ang mga estudyante.

Ayon kay Sta. Maria, sasagutin ng paaralan ang mga gastusin ng mga estudyante sa mga ospital. Iimbestigahan din nila aniya ang insidente. 

"Rest assured to the parents that we are doing our best to solve this problem and one of these days, we are going to come up with a report," aniya. 

— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.