3 sugatan sa banggaan ng dalawang trak

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 01:55 PM

Nag-overtake ang mas malaking trak kaya't nasakop nito ang kalsadang binabaybay ng kasalubong na trak. Rizza Mostar, ABS-CBN News

LIBMANAN, Camarines Sur - Tatlo ang sugatan sa banggaan ng 2 trak sa Barangay Tinanquihan, Huwebes ng umaga.

Naipit ang paa sa nayuping unahan ng maliit na trak ang driver nitong si Charlito Rabanos bago naisugod sa ospital.

Dalawa pang sakay nito ang bahagyang nasugatan.

Pag-aari ang trak ng Visayas State University na ginamit sa pagdala ng kamote na ipinang-exhibit sa Quezon City.

Pauwi na sila sa Baybay, Leyte nang mangyari ang aksidente.

May karga namang mga deboteng alak papuntang Maynila ang nakasalpukan nitong mas malaking trak.

Aminado ang driver nitong si Arnel Danieles na iniwasan at nag-overtake siya sa isang kotse na bigla umanong huminto sa kaniyang unahan hanggang sa tuluyan niyang nabunggo ang mas maliit na trak sa kabilang linya ng kalsada.

Mahaharap sa kasong physical injury and damage to property si Danieles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.