3 nasagip na pangolin, naibalik na sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 08:16 PM | Updated as of Jul 11 2019 08:37 PM

Tanging tatlong balintong na lamang ang nabuhay sa 10 nasagip ng awtoridad mula sa dalawang suspek. Larawan mula sa Palawan Council for Sustainable Development.

Tatlong pangolin o balintong ang pinakawalan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) noong Lunes ng gabi.

Ito na lamang ang naiwang buhay na balintong mula sa 10 nasagip ng Department of Environment and Natural Resources at pulisya sa Tagaytay City noong Hunyo 28.

“Nung may go signal na yung veterinarian na healthy siya, wala naman siyang sugat at kaya na mag-survive agad namin siyang ini-release pagdating. Ni-release namin siya sa area na tingin namin ay magsu-survive siya,” sabi ni forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD. 

Kinilala naman ang mga suspek na may dala ng mga pangolin na sina Simforoso Salazar na taga Batangas, Jordan Torrequimada, at Victor Cabuniag ng Roxas, Palawan.

Napag-alaman ng PCSD na ibiniyahe pa ang mga hayop mula sa Liminangcong, Taytay, Palawan patungong Cavite.

“Ibinangka patungo sa Batangas at doon sila lumanding tapos dumeretso sa Tagaytay papunta na sana itong Maynila," dagdag Fabello.

Base sa nakuhang impormasyon ng PCSD, posibleng dadalhin ito sa China at ibebenta sa black market dahil malaki ang market value ng balintong. Sa karne pa lamang daw ng pangolin ay aabot na ng P300 hanggang P500 ang kada kilo habang ang kaliskis ay umaabot ng P9,000 kada kilo.

“Yun ay destined to be sell sa black market kasi nga malaki ang demand. Ang pangolin ang worst most trafficked mammal. Talagang hindi natin mapigil ang ating mga kababayan, talagang tuloy-tuloy pa rin yung paggawa ng mga illegal wildlife trade," ani Fabello.

Sa ngayon ay mas pinaiigting ng PCSD ang kanilang pagbabantay sa mga pier sa Palawan. Nakikipag-ugnayan din sila sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng Wildlife Act.

Ang Philippine pangolin ay kabilang sa critically endangered species sa Palawan. Ayon pa sa PCSD, 50 porsyento ang posibilidad na maubos ito sa loob ng limang taon kapag hindi napangalagaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.