'Walang kondisyong' regularization ng 7,000 manggagawa sa PLDT, iginiit

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 11:01 PM | Updated as of May 20 2019 11:44 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang clarificatory order para igiit sa PLDT na kailangan nitong sundin ang utos na gawing regular ang nasa 7,000 manggagawa nang walang kondisyon.

Nalaman kasi ng DOLE na pinag-a-apply ulit ang mga manggagawa bago sila i-absorb ng kompanya.

"Our decision is that all these 7,000 plus are already employees of PLDT," sabi ni DOLE Secretary Silvestre Bello.

"We will inform that many of the service providers, 'yong nag-provide ng workers, are owned by officers or executives of PLDT."

Mayroong 10 araw ang PLDT para sumagot o maghain ulit ng apela.
 
Sabi ng PLDT, hindi pa nila natatanggap ang clarificatory order kaya hindi muna sila magbibigay ng pahayag.

"We have not received a copy of the clarificatory order. So we are reserving comment on that one," pahayag ng PLDT.

Nauna nang sinabi ng PLDT na naghain sila ng petisyon sa Court of Appeals para kuwestiyonin ang compliance order ng DOLE.

"They [PLDT] were not able to go obtain a TRO. Sana kung nakakuha sila, then we would be legally prevented from implementing our decision," ani Bello.

Nito ring Lunes, sumugod ang mga manggagawa ng PLDT sa DOLE para ipanawagan na ipatupad na ang compliance order para sa regularisasyon ng 7,000 manggagawa. 

Enero pa nang ilabas ng DOLE ang kautusan, pero imbes i-regular, pinutol pa umano ng PLDT ang kanilang mga service contract, kaya ang mga manggagawa, naka-"floating status" ngayon.

Hinarap naman ng mga opisyal ng DOLE ang mga manggagawa at siniguro na pinaninindigan ang kanilang kautusan.

Itinanggi na rin ng PLDT na nag-terminate sila ng mga service contract dahil utos umano ng DOLE na tumigil sa pag-operate ang 38 sa kanilang service contractors.

Ayon naman kay Bello, mayroong violation ang mga contractor kaya hindi dapat mag-operate.

Pero dahil importante aniya ang trabaho ng mga manggagawa na puro call center agent sa customer service hotline ng PLDT ay dapat silang i-absorb ng kompanya bilang regular employees.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.