Puerto Princesa International Airport, fire hazard?

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 05:23 AM

PUERTO PRINCESA - Inihain kahapon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang notice of violation laban sa Puerto Princesa International Airport.

May paglabag umano ang paliparan sa Section 9 ng Republic Act 9514 o Revised Fire Code of the Philippines of 2008 na nagpapataw ng P50,000 na multa.

Dismayado naman ang manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil sa tila hindi raw tamang paraan nang paghahain ng kanilang paglabag.

Nakasaad sa batas na kailangang ikabit ang poster na nagsasabing "WARNING: THIS BUILDING/STRUCTURE IS A FIRE HAZARD."

Pinagbigyan naman ng BFP ang kahilingan ng CAAP na huwag na muna itong ikabit dahil baka makaapekto sa turismo.

Hindi na rin nagpaunlak ng panayam ang CAAP. Mas maiging ang Department of Transportation (DOTr) na umano ang sumagot nito.

Ayon naman sa BFP, kailangan lamang daw nilang sundin ang ipinag-uutos sa kanila lalo pa at lagpas isang taon na rin mula nang magsagawa ng paulit-ulit na inspeksiyon.

Bibigyan ng 15 araw ang CAAP para ma-comply ang mga nakitang kakulangan.

Kabilang dito ang kawalan ng secondary exit at kailangan din dumaan sa test ang sprinklers at detectors.

Pampito sa listahan ng busiest airport sa Pilipinas ang Puerto Princesa International Airport, ayon sa CAAP.

Binuksan ang paliparan noong Mayo 2017 na nagkakahalaga ng P3.83 billion. - ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.