Electrician patay sa pamamaril sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 05:02 AM

BATANGAS - Patay ang isang electrician matapos pagbabarilin ng "riding-in-tandem" sa Padre Garcia, Batangas nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Richard Reyes, 44 anyos, residente ng Barangay Antipolo Del Norte, Lipa City.

Ayon kay SPO1 Joel Garcia, may katatagpuin umano ang biktima sa Barangay Cawongan nang barilin alas-5:30 ng hapon.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Reyes. Nadala pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

May tinitingnang anggulo na ang pulisya sa posibleng motibo sa pamamaslang.

"Mahilig siyang tumanggap ng gawa na hindi naman niya minsan tinatapos. Nauubos 'yung pera," ani Garcia.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari. - ulat ni Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.