Drayber, inireklamo matapos umanong itapon ang pera dahil walang panukli

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 10:20 PM

DAVAO CITY - Kumakalat sa social media ang post ng isang netizen na inireklamo ang driver ng isang pampasaherong van sa lungsod na ito na itinapon umano ang P50 pera dahil walang maisukli.

Ayon sa netizen, sumakay siya sa Barangay Mintal at bababa sana sa Ulas na P10 ang pamasahe.

Itinanggi naman ng inireklamong driver na si Armando Abregana ang paratang sa kaniya.

Aniya, nilipad ng hangin mula sa aircon ng sasakyan ang pera at hindi niya umano intensyon na itapon ang pera.

Nagpaalala naman ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver na posible nitong pagmultahin o suspindehin ang prankisa ng operator kung mapatunayan na nagkasala.

Ayon kay Atty. Teresita Yniguez, ang regional director ng LTFRB sa Davao region, hangga't maari, kailangang handa palagi ang panukli ng mga PUV driver bago pa man ito mamasada. Importante rin umano na mas habaan ang kanilang pasensya para hindi uminit ang ulo.

Hinihikayat naman ng LTFRB ang mga commuter na magsampa ng reklamo sa kanilang opisina para kanilang maaksyonan at hindi lang sa social media idaan ang kanilang mga hinaing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.