Cash card ng mga jeep, target maipamigay sa Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 09:51 PM | Updated as of May 20 2019 11:54 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Target na maipamahagi simula Huwebes, Hulyo 12, ang mga cash card sa mga operator ng mga public utility jeepney (PUJ), ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang cash card ang ayuda ng gobyerno sa mga PUJ matapos magtaas ang presyo ng produktong petrolyo mula nang magpataw ng excise tax nitong taon at magmahal ang langis sa pandaigdigang merkado.

Ang Landbank at LTFRB ang hahawak sa distribusyon ng mga cash card, na magagamit lang sa diesel at hindi sa ibang bagay.

"Kapag ini-swipe nila sa mall o sa grocery store, automatic, delisted sila sa programa," ani Landbank President Alex Buenaventura.

May 178,000 PUJ units ang target mabigyan ng tig-P5,000 ayuda, na magagamit sa loob ng anim na buwan, mula Hulyo hanggang Disyembre nitong taon.

Kung hahatiin ito kada buwan, may P833 kada buwan ang bawat tsuper. Kung kada araw naman, menos ang araw ng coding at maintenance, magiging halos P42.

Kung nasa 30 litro ang konsumo ng jeep kada araw, P1.38 kada litro ang tulong ng gobyerno.

Ibig sabihin, kung P2.80 ang ipinataw na excise tax at value-added tax sa diesel kada litro, higit P1 ang subsidiya o sagot ng gobyerno. Katumbas nito ay wala pang isang litro kada araw.

Para sa jeepney driver na si Gil Pandili, mas malaking tulong kung ibinuhos na lang sa programang modernisasyon ang pondo dahil ipit umano silang mga tsuper sa pag-iipon para sa modernong jeep.

"Sana binigyan na lang kami ng bagong sasakyan e di mas mahabang ano. Kasi ito, pansamantala lang naman 'yan 'di ba?" ani Pandili.

'HUWAG NANG MAGTAAS-PASAHE'

Bukod sa cash card, may diskuwento ring ibibigay ang mga kompanya ng langis. 

Hiniling naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi na huwag nang humiling ng dagdag-pasahe ang mga jeep, lalo at inaasahang bababa ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

"Sana huwag nang magtaas naman ng pasahe iyong mga jeepney operator para rin naman sa ating lahat iyon," ani Cusi.

Patuloy namang dinidinig ng LTFRB ang petisyon ng mga jeepney operator sa hiling na P2 dagdag sa base fare.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.