Bilanggo patay, 'nagkabutas-butas' ang balat dahil sa 'bacteria'

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 09:21 PM | Updated as of May 20 2019 11:42 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang inmate sa Manila City Jail ang hinihinalang namatay dahil umano sa kondisyon na kung tawagin ay "necrotising fasciitis" o flesh-eating bacteria. 

Hindi pormal na matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng inmate pero ayon sa impresyon ng ospital, posible itong necrotising fasciitis o uri ng bacteria na unti-unting sinisira at kinakain ang tissues ng katawan na maaaring makamatay kapag hindi inagapan. 

Base sa mga larawan na kuha ng Manila City Jail, may malalaking sugat at butas na sa katawan ang namatay na inmate nang lumipat sa kanila kaya malabo raw na doon nakuha ang sakit. 

"Lilinawin namin na hindi galing dito sa city jail iyan. Tatlong araw lang siyang nag-stay. Meron na siyang ganitong condition before siya dalhin dito," ani Jail Senior Inspector Jayrex Bustinera, spokesperson ng Manila City Jail.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), sa una’y ordinaryong sugat lang ang itsura ng necrotising fascitiis pero imbes na maghilom ay lalo raw itong lumalaki. 

Hindi naman daw kailangang mabahala ang publiko dahil hindi nakakahawa ang bacteria kung malinis at walang sugat sa katawan. 

"Parang sugat ito na pulang pula sa una. Then ang redness kumakalat. Parang nabubulok 'yung balat...Huwag kayo matakot na magkakaroon ng outbreak or epidemic [because] the only way to get it is [through] a wound na mai-infect ng bacteria," ani DOH Undersecretary Eric Domingo.

Iniutos na ng hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang pag-iimbestiga sa pagkakasakit ng mga inmate sa naturang city jail.

Inatasan na rin niya ang pamunuan nito na makipag-ugnayan sa health authorities.
    
—Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.