Bata, patay sa dengue sa Batanes

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 04:57 PM | Updated as of Jul 11 2018 05:14 PM

Ilang mga pasyenteng may dengue ang naghihintay sa daungan ng Itbayan sa Batanes para ilipat sa Batanes General Hospital. Larawan mula kay Herson Raquinio

ITBAYAT, Batanes – Isang bata na ang nasawi habang marami pa ang patuloy na nagkakasakit ng dengue sa bayang ito.

Ayon kay Dr. Rio Magpantay, director ng Department of Health sa Region 2, dalawang taong gulang na batang lalaki ang binawian ng buhay bago pa man mailipat sa Batanes General Hospital (BGH).

“Nung naidala sa ospital late na, severe dengue na,” paliwanag ni Dr. Magpantay.

Sa mga larawang kuha ni Herson Raquinio, makikita ang ilang residenteng naka-swero at nasa daungan ng Itbayat. Sila ang mga nagkasakit ng dengue na kinailangang ilipat sa BGH.

“Mas mataas na level ng ospital kaysa Itbayat District at saka mas mabilis nating maibibigay ang mga services doon,” sabi ni Dr. Magpantay.

Naalalayan naman ng Philippine Coast Guard ang may 112 dengue patients na halinhinang isinakay sa bangka at eroplano.

Nagsasagawa na rin umano ng pagpuksa sa mga lamok at mga pamuguran ng mga ito ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Itbayat.

“Dalawang beses na po kaming nag-search and destroy, house-to-house na naglilinis,” sabi naman ni Nilda Garcia, officer ng MDRRMO.

Sa buong Region 2, mahigit 1,500 na ang nagka-dengue. Mas mataas raw ito ng 40 % kumpara noong nakaraang taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.