Babaeng nagtago ng 'shabu' sa take-out na pagkain, arestado

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 10:08 PM

BATANGAS CITY - Arestado ang isang babae matapos magtangkang magpasok ng hinihinalang shabu sa loob ng lock-up cell ng Batangas Police Provincial Office sa lungsod na ito Martes ng gabi.

Nabisto ng pulisya ang isang sachet ng hinihinalang shabu na itinago sa nakabalot na kanin.

Ipupuslit sana ito ng suspek na si Jamaica Lira, 26 taong gulang, papasok sa lock-up cell.

Ayon kay PSSupt. Edwin Quilates, nakita ang pakete ng ilegal na droga nang tingnan ang dala nitong pagkain mula sa isang fast-food chain.

"Kinapkapan, after chineck yung pagkain na dala which is packed lunch mula sa isang fast-food chain so binuksan, chineck, may nakita na isang sachet na nakabalot kasama nung kanin," aniya.

Kinakasama ni Lira si Francis Asihan, isa sa mga detainee sa lock-up cell.

Base sa rekord ng pulisya, nahuli si Asihan noong Hunyo 18 dahil sa pagbebenta umano ng droga sa Lipa City.

Kinasuhan na ngayong Miyerkoles ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Lira.

Ayon sa pulisya, magsilbi sanang babala ang insidente sa iba pang nagbabalak magpuslit ng anumang kontrabando sa loob ng kulungan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.