PatrolPH

Ama pinatay ang 2 anak sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 03:55 AM

TANTANGAN, South Cotabato - Trahedya ang gumising sa isang pamilya sa Tantangan, South Cotabato Martes ng umaga.

Patay sa saksak ang 2 magkapatid na lalaki na 5-anyos at 3-anyos.

Nagpakamatay rin ang kanilang 29-anyos na ama na siyang suspek sa krimen.

Kuwento ng kapatid ng suspek, nasa isang compound lang sila pero may sariling bahay ang suspek. 

Sa lola natutulog ang anim na magkakapatid habang nasa Maynila ang kanilang ina dahil inaayos ang aplikasyon para magtrabaho abroad.

Lunes ng gabi, pilit na kinukuha ng suspek ang 3 anak nitong lalaki.

Tumangging sumama ang 12-anyos na anak dahil natatakot sa ama. Pero nilambing nito ang 2 biktima kaya sumama sa kaniya na matulog sa kanilang bahay.

Kinaumagahan, nagtaka ang pamilya na hindi pa gumigising ang mga bata na kadalasan ay maagang bumabangon. 

Noong inusisa nila sa loob ng bahay, doon nila nakita ang duguang katawan ng mga bata at ng suspek.

Batay sa imbestigasyon ng Tantangan Police Station, mag-iisang buwan pa lang nang umalis ang ina ng mga bata. 

Pero kapag hindi raw ito tumatawag sa mister, madalas daw itong magbanta sa misis na papatayin ang mga anak.

"Papatayin nga daw niya 'yung mga bata dahil po sa matinding selos,” ani Senior Insp. Reden Crisologo, officer-in-charge ng Tantangan Police Station.

Lasing din umano ang suspek nang gawin ang krimen dahil nakipag-inuman pa ito sa isang kamag-anak bago ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.