30 ilegal na OFW mula Abu Dhabi, balik-bansa

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2018 09:19 PM

Nakabalik na sa bansa ang 30 overseas Filipino worker (OFW) na nakipagsapalaran at nagtrabaho sa Abu Dhabi kahit hindi sila dokumentado. 

Bandang alas-10 ng umaga nitong Miyerkoles lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang eroplano lulan ang mga ilegal na OFW.

Doon na nila ibinahagi ang kanilang karanasan sa ibayong dagat.

Kuwento ni Rosalinda Barbosa, habang naghihintay makauwi ay namalagi sila sa shelter ng embahada ng Pilipinas kasama ang iba pang undocumented OFWs.

"Ok naman kami. Kumakain naman. Pero dahil sobrang dami, siksikan na," ani Barbosa.

At para manatiling buo ang loob, naging sandigan nila ang isa’t isa.

"Bumuo kami ng grupo...Sabay-sabay din kaming nagdarasal at kumakain," kuwento ni Diana Acosta. 

Pero kung si Charito Lucino ang tatanungin, hindi na niya nanaising mangibang bansa dahil sa masaklap na karanasan sa amo kung saan siya tumakas.

"Iyung mga amo ko, kung ano-ano ginagawa. Ginugutom kami. Walang pahinga. Ang haba ng oras ng trabaho," hinaing ng OFW.

Dahil sa pangungulilang sinapit sa Abu Dhabi, mula sa airport ay dumiretso agad si Lucino sa pinagtatrabahuhan ng bunsong anak na si Arvin sa Quezon City.

"Ang laki ng sakripisyo niya sa amin. Pangako namin na pasasayahin namin siya. Pagtutulung-tulungan namin itong magkakapatid," banggit ni Arvin. 

Nangako naman ang Overseas Workers Welfare Administration na ibibigay ang mga ipinangakong tulong sa undocumented OFWs na umuwi.

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.