'Sundalo' nangholdap ng resto, binugbog ng crew

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 08:39 AM

MANILA - Bugbog-sarado ang isang nagpakilalang sundalo matapos tangkaing pagnakawan ang isang pizza restaurant sa V. Luna Avenue sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Kuwento ni Jeric Alberto, delivery boy ng restaurant, umaga pa lang ay napansin na nilang tinitiktikan ng suspek ang kanilang gusali.

Nang bumalik ang suspek kinagabihan, inakala pa ng service crew na bibili ito ng pagkain pero bigla siyang nanutok ng baril at nagdeklara ng holdap.

Mabilis naman ang naging reaksyon ng mga tauhan ng restaurant. Isinara nila ang pintuan na patungo sa kanilang kitchen habang kinuyog ng 3 delivery boy ang suspek hanggang maagaw nila ang baril nito.

"Noong nabugbog na namin, sabi niya 'Tama na. Bigay n'yo na baril ko, aalis na ako.' Hanggang sa labas binugbog namin. Sasakay pa sanang motor hanggang sa dumating na ang pulis," sabi ni Alberto.

Nakilala ang suspek na si Ventura Ramirez, 38, batay sa ID ng Armed Forces of the Philippines na ipinakita niya.

Gayunman, nakuhanan din si Ramirez ng ilan pang ID na may magkakaibang pangalan pero iisang picture.

Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag sa media.

Nakuha sa kanya ang isang kalibre .45 na baril, isang magazine na puno ng bala at isang bungkos ng pera.

Isinailalim na sa medico legal at alcohol breath test si Ramirez. Nakatakda siyang dalhin sa Quezon City Police District - Criminal Investigation and Detection Unit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.