State of calamity, idineklara sa Ormoc

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 12:57 PM | Updated as of Jul 11 2017 01:24 PM

Idineklara na ang state of calamity sa Ormoc, Leyte matapos itong yanigin ng magnitude 6.5 na lindol noong nakaraang linggo, ayon kay Mayor Richard Gomez ngayong Martes.

Sa ilalim ng state of calamity, maaaring gamitin ang emergency fund para sa mga 'bakwit' at magdeklara ng 'price freeze' sa mga pangunahing bilihin.

"Twenty percent of the calamity fund, puwede naming gamitin agad sa pagbili ng pagkain, tubig, materials para habang nasa relocation sila...Iyong natitirang pondo, puwede naming gamitin para magpa-ayos ng relocation site nila," aniya.

Ilang gusali ang nasira ng lindol, kasama na ang 18 classroom na sa ngayon ay hindi na maaaring gamitin. Di rin bababa sa 100 silid-aralan ang may bitak, ayon kay Gomez.

May 616 na pamilya naman mula sa Barangay Tongonan at Lake Danao ang inilikas sa anim na magkakahiwalay na relocation site.

Dahil sila ay nakatira sa mismong faultline, kailangan din silang ilipat sa mas ligtas na lugar, dagdag ni Gomez.

Nakaranas pa ng mga aftershock ang Leyte at karatig-probinsya nito, kasama na ang magnitude 5.4 na lindol noong Lunes ng umaga.

Ikinataranta ito ng mga residente.

Sugatan naman ang 20 estudyante at 3 residente sa dakong bulubundukin ng probinsya.

"Siguro mahigit 20 iyung mga estudyante na binigyan ng first aid. Pero iyung 3 na nasa bundok, sila ang dinala sa ospital kasi nabagsakan sa ulo iyung 2 tapos iyung isa, nabagsakan sa likod. Hindi siya makalakad, under observation pa kung makakalakad pa iyung bata," aniya.

Sinuspende na ang mga klase sa Ormoc ngayong Martes.

Inaasahan namang maibabalik na ang kuryente sa lungsod ngayong araw, ani Gomez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.