Sale ng Phoenix Petroleum, nagdulot ng mabigat na trapiko

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 12:53 PM | Updated as of Jul 11 2017 01:37 PM

MANILA (UPDATE)- Dahil hindi pinalampas ng maraming motorista ang bagsak-presyong promo ng Phoenix Petroleum, matinding trapik ang naranasan sa paligid ng mga sangay ng nasabing gasolinahan. 

 

Sinamantala ng mga motorista ang P10 kada litrong petrolyo na ibinenta ng Phoenix mula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Heavy traffic along Timog Avenue, Quezon City due to Phoenix Petroleum sale. Photo courtesy of Bryan Venancio

Nauna nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko ang promo.

Sa ulat ni Tony Velasquez sa DZMM, sinabi niyang mabigat ang daloy ng trapiko sa West Fairview, Quezon City dahil sa sale ng Phoenix Petroleum doon.

Hindi rin daw inasahan ng may-ari ng Phoenix Petroleum Station sa West Fairview na si Yolly Montenegro ang pagdagsa ng mga motorista.

Nakipag-ugnayan daw diumano si Montenegro sa barangay bago isagawa ang promo.

Inabisuhan na umano ng pulisya sa lugar na ipatigil na muna ang promo dahil matindi na ang daloy ng trapiko. 

Pinagbibigyan pa rin naman daw ng Phoenix Petroleum Station na bumili ng mga produktong petrolyong naka-promo ang mga motoristang nakapila na.

Apektado rin ng mabigat na daloy ng trapiko ang Pasay City kung saan may gasoline station din ang Phoenix.

Photo by Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Ayon sa traffic management app na Waze, mabigat rin ang daloy ng trapiko sa ibang lugar gaya ng Timog Avenue, Quezon City, Antipolo, at 3rd Avenue, Taguig City kung saan may mga gasoline station ang Phoenix.

Waze traffic situation of Timog Avenue, Quezon City as of 12:30 PM
Waze traffic situation of 3rd Avenue, Taguig City as of 12:30 PM
Waze traffic situation along Antipolo City as of 1:33 PM
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.