Pahinante sugatan sa salpukan ng trak sa Malate

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 11:26 AM

MANILA - Sugatan ang isang lalaki matapos bumangga ang sinasakyang 14-wheeler sa isa pang trak na may lamang buhangin sa southbound lane ng kanto ng Taft Avenue at General Malvar Street sa Malate, Maynila, Martes ng umaga.

Sa lakas ng pagkakabangga ay natanggal ang windshield at bumper ng trak na pag-aari ng Tabuating San Leonardo Trading.

Ayon sa driver ng 14-wheeler truck na si Nestor Catapas, galing sa San Fernando, Pampanga ang dalawang truck at magdedeliver sana ng buhangin sa General Trias, Cavite nang biglang huminto ang nasa unahan nilang trak.

Bagamat sinubukang magpreno ng kasunod na trak ay sumalpok pa rin ito dahil maliit lamang ang distansya ng dalawang sasakyan at mabigat ang dala nitong kargada.

Nagtamo ng minor injury sa paa ang pahinanteng si Roddhip De Guzman, 23 anyos.

Ayon naman sa tsuper ng trak na nasa unahan na si Randy Manalili, bigla siyang napahinto dahil sumenyas na ng pula ang traffic light.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga awtoridad kung haharap sa kaso ang mga sangkot sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.