P10/L ng langis, dinagsa, nagpabigat ng trapiko

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 12:08 AM

Dinumog ng mga motorista sa iba't ibang bahagi ng bansa ang P10 kada litro na promo ng isang kompanya ng langis kasabay ng kanilang ika-10 anibersaryo sa Philippine Stock Exchange.

Simula alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali nitong Martes, Hulyo 11, bagsak-presyo ang lahat ng klase ng produktong petrolyo ng Phoenix Petroleum. 

Bagama't maraming natuwa sa nasabing promo, marami rin ang naperwisyo dahil sa dulot na trapiko ng mahabang pila ng mga motoristang hindi pinalampas ang bagsak-presyong handog ng Phoenix Petroleum.

Bukod sa Kamaynilaan, nagsikip din ang trapiko sa ilang probinsiya dahil sa pagdagsa ng mga motorista gustong makamenos sa ipapakargang langis.

Bumigat ang trapiko sa paligid ng mga gasolinahan ng Phoenix Petroleum sa Cabanatuan City, Cagayan de Oro, Butuan City, at General Santos City.

Nakiisa rin si Pangulong Duterte sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Phoenix Petroleum. Si Duterte ang naging panauhing pandangal sa 'ceremonial ringing of the bell' sa Philippine Stock Exchange.

--Ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.