Nagmahal, na-scam: Babae niloko ng 'online' nobyo, nawalan ng P17-K

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 06:01 PM

MANILA - Ibinahagi ng isang netizen Martes kung paano siya nawalan ng halos P18,000 matapos mahulog ang loob sa lalaking nakilala sa internet at mabiktima ng umano'y "package scam." 

Sa panayam ng DZMM, ikinuwento ni alyas "Michelle" na naging kaibigan niya sa isang dating app ang isang Michael Wilson, na nagpakilalang 58-anyos na foreigner, mga isang buwan na ang nakakaraan. 

Ibinigay aniya niya ang kanyang e-mail address kay Wilson at naging madalas ang kanilang pag-uusap. 

Napansin naman ni Michelle na inaabot kung minsan ng 2 araw bago tumugon si Wilson sa kanyang mga e-mail. May pagkakamali rin aniya sa pagsasalita nito ng Ingles nang minsan siyang tawagan nito sa telepono. 

Hindi pa rin aniya niya ito nakausap nang nakaharap sa web camera. 

Gayunman, inamin ni Michelle na hindi niya naiwasang mapamahal sa ka-chat dahil malambing ito at nangako pang bibisitahin siya sa Pilipinas. 

Aniya, "Sa pagpapadala niya po ng sobrang sweet na message, siguro po, naano na rin po iyung loob ko sa kanya. 

"Pupunta raw po siya sa Pilipinas para makita ako... Gusto niya na rin da kasi mag-retire sa trabaho niya." 

Nitong Hulyo 1, pinadalhan aniya siya ni Wilson ng litrato ng mga gamit na nais nitong ibigay sa kanya, kabilang na ang isang laptop, camera, mga alahas, luxury bag, tsokolate at bulaklak. 
 
"Kusa niya raw pong ipapadala. Hindi naman ako nanghingi sa kanya ng mga ganoon," sabi ng dalaga. 

Nakumbinsi aniya siyang totoo ang pangako ni Wilson dahil nagpadala rin ito ng litrato ng resibo at tracking number mula sa kumpanyang ginamit umano niya para i-ship ang mga regalo. 

May ipinadala rin umano itong link sa mistulang lehitimong website ng umano'y shipping company kung saan maaaring i-track ang lokasyon ng package. 

Pero nitong Hulyo 4, tinawagan si Michelle ng nagpakilalang clerk ng kumpanya at sinabihang magbayad ng P17,900 na "administrative fee" upang matanggap ang package. 

Nagdeposit si Michelle ng nasabing halaga sa bank account na ibinigay ng umano'y clerk. 

Subalit imbes na matanggap ang padala, muli siyang tinawagan ng clerk at nagsabing kailangan niyang magdeposito ng P45,500 sa parehong bank account bilang penalty sa paglabag sa Anti-Money Laundering Law.

Sinabi ng clerk na may nakita umanong malaking halaga ng pera sa package, na ipinagbabawal ng batas. 

Dito na nagduda si Michelle na nabiktima siya ng package scam. 

Dagdag niya, hanggang ngayon ay nagkikipag-ugnayan pa rin sa kanya ang clerk at si Wilson, na kapwa humihingi ng follow-up kung nabayaran na niya ang P45,500 na penalty.

Nangako naman ang National Bureau of Investigation (NBI) Cyber Crime Division na iimbestigahan nila ang kaso. 

Payo ni Michelle sa mga kapwa social media user, "Huwag po munang basta-basta magtitiwala, kilalanin po muna kung sinong mga nakaka-chat at nakakausap para hindi po maloko." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.