Magsasaka, patay sa pananaga dahil sa away sa patubig

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 09:50 PM

Nadatnang nakahandusay at duguan ang isang magsasaka matapos pagtatagain sa Quezon, Isabela nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Virgilio dela Cruz, 42, na nagtamo ng mga sugat sa ulo na hinihinalang bunga ng pananaga.

Ayon sa awtoridad, posibleng hindi nakalaban ang biktima na galing umano sa inuman, kung saan wala naman daw itong nakaalitan.

Isa sa motibong tinitingnan ng pulisya ay ang away umano sa patubig sa kanilang lugar.

"Agawan sa patubig sa bukid, medyo kulang kasi dito kasi may water ways repair, 'yung volume na pumapasok dito sa Quirino, kulang na kulang," ani Senior Inspector Loreto Infante, hepe ng Philippine National Police- Quezon.

Tukoy na umano ng pulisya ang posibleng nasa likod ng pagpatay, pero nakatakas ito.

Hindi na rin muna pinangalanan ang suspek habang patuloy ang imbestigasyon at pagtugis dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.