Candy na may marijuana, ibinebenta sa Laguna; 2 arestado

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 07:13 PM

Natagpuan sa bahay ng Filipino-American na si Bobby Albert Bobcock ang 9 na balot ng marijuana at parapernalya sa paggawa ng candy o gelatin. Photo courtesy of Laguna Philippine National Police-Provincial Intelligence Branch.

SAN PEDRO CITY—Arestado ang isang Filipino-American at isang estudyante sa pagbebenta ng candy na may marijuana dito sa Laguna nitong Sabado.

Nahuli ng mga awtoridad si Bobby Albert Bobcock matapos matagpuan sa kanyang tahanan ang siyam na balot ng marijuana na may halagang P250,000.

Nakuha rin mula sa suspek ang ilang kagamitan sa paggawa ng candy o gelatin at iba pang parapernalya.

Pinagbebentahan umano ng suspek ang mga estudyante.

“Noong nag-conduct kami ng search warrant sa San Pedro, nakuha namin yung marijuana, hinahalo sa chocolate. Accordingly, binebenta nila sa students,” ani Police Sr. Supt. Cecilio Ison, Jr., provincial director ng Laguna Police.

Arestado din ang isang 23 anyos na estudyanteng si Jan Allen Ledesma sa isang ikinasang follow-up operation ng pulisya sa Barangay Banay-Banay, Cabuyao City.

Nahuli umano si Ledesma na nagbebenta ng chocolate at jelly na may marijuana.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung saan nanggagaling ang suplay na marijuana ng mga suspek.

Kasalukuyang nakadetine si Bobcock sa San Pedro Police Station habang nasa kustodiya naman ng Cabuyao City Police si Ledesma.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.