4 sangkot sa droga, carjacking patay sa Bulacan

Bianca Dava at Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 09:38 AM | Updated as of Jul 11 2017 10:01 AM

MALOLOS, Bulacan - Patay ang 4 na lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis na nagkasa ng drug buy-bust operation sa bayang ito, Martes.

Pangunahing target ng operasyon si alyas Tonton, residente ng Barangay Caniogan. Nakilala ang mga kasamahan niya bilang sina alyas Toto, Bernardo at Dolfo.

"Mga na-Tokhang na po ito noong last year pa po. Bumalik na naman po sila," ani Malolos police chief Supt. Heryl Bruno sa panayam ng DZMM.

"Kakagamit lang po nila ng shabu noong naano po natin sila kaninang bandang alas-3 ng madaling-araw."

Dagdag ni Bruno, may impormasyon ang pulisya na sangkot din ang mga suspek sa serye ng panghoholdap at nakawan ng sasakyan sa bayan.

Unang napatay sina Toto at Bernardo. Nakatakas naman sina Tonton at Dolfo, pero natunton at napatay rin sila sa follow-up operation.

Nakuha sa crime scene ang ilang hinihinalang nakaw na motorsiklo, gayundin ang isang "gorilla costume" o itim na overall, na sinasabing ginagamit umano ng mga suspek para takutin ang kanilang mga biktima.

Samantala, naaresto naman ang isang barangay tanod nang mahuli umanong bumibili ng ipinagbabawal na gamot sa mga suspek.

Pero depensa ng tanod na si Jonjon Leoncio, "Nagsangla lang ako ng relo for P300 na pang-check up ng asawa ko."

Inamin naman niyang dati siyang gumagamit at bumibili ng shabu kay alias Tonton, pero huminto na aniya siya mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.