11-anyos na estudyante, naputulan ng paa dahil sa lindol sa Leyte

Melanie Bingco, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2017 05:43 PM | Updated as of Jul 11 2017 05:45 PM

ORMOC CITY- Nakaratay pa rin sa ospital ang 11-anyos na si Liezel Jane Atison matapos maputulan ng paa dahil sa pagkakahulog sa isang bitak sa kalye nang tamaan ng lindol ang Leyte noong Huwebes.

Ayon kay Atison, pauwi na siya mula sa Lim-ao Elementary School ng aksidenteng mahulog ang kaliwang paa niya sa isang siwang na dulot ng lindol.

Dagdag ng bata, pinilit niyang bunutin ang paa niya pero hindi niya nagawa dahil patuloy na gumagalaw ang lupa at tila nagsara ang bitak.

"Nahulog ang paa ko sa bitak tapos gumagalaw na 'yung lupa... May nakakita sa akin at tinulungan ako, inihatid sa amin. Muntik na akong mahimatay noon pero pinilit ko ang sarili ko na hindi mahimatay," sabi ni Atison.

Ayon sa mga magulang ng bata, naantala din ang pagdala sa kanya sa ospital dahil sa mga landslides at bitak sa lupa papuntang bayan.

"Sabi ko pa sa doktor na 'Dok, 'wag mo na putulin ang paa ko kasi mo-eskwela pa ko ugma (sabi ko sa doktor 'Dok, 'wag mo na putulin ang paa ko kasi papasok pa ako sa eskwela bukas)," umiiyak na kwento ni Atison.

Bukod sa biglang pagkawala ng kanyang kaliwang paa, problema din ngayon ng pamilya Atison kung saan titira pagkalabas ng bata sa ospital dahil nasira na ng lindol ang kanilang tinutuluyan sa barangay. 

"Di namin alam kung matitirhan pa ba 'yun. Mapapasukan pa siya pero di namin matitirhan kasi laging nag a-aftershock dun," sabi ni Lenie Jane Atison, kapatid ni Liezel.

Isa lamang ang pamilya ni Atison sa daan-daang nawalan ng bahay matapos tumama ang isang 6.5-magnitude na lindol sa kalapit na bayan ng Kananga noong Huwebes.

Idineklara na ni Ormoc City Mayor Richard Gomez ang state of calamity dito sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.