'Politika, paghihiganti' namayani sa desisyon vs ABS-CBN franchise: legal experts

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 08:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi na ikinagulat ng ilang legal experts ang nangyaring pagbasura ng House franchise committee sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong lisensiya.

Planado na sa simula pa lang: ito ang tingin ng ilang legal experts sa naging takbo ng higit 12 hearings.

"Pinahaba, hinayaan na mawala 'yung prangkisa so that klarong-klaro 'yung attempt na kontrolin o di kaya bigyan ng kondisyon para lang mai-operate yung franchise," ani Theodore Te, dating Supreme Court spokesperson.

"This is not a conscience vote but a party-line vote... This is the majority following orders to deny the franchise... This has nothing to do with law or due process... Politics trumps law, politics trumps ethics, politics trumps policy. That's the case we have here," sabi naman ni Tony La Viña mula sa Ateneo School of Government. 

Tingin ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL), naging "new abnormal" na ang kadalasa'y hindi katanggap-tanggap at hindi inaakala, at wala nang ligtas ngayon sa panggigipit at paghihiganti sa politika.

"Surreal. During these times, the normally unacceptable, improbable, inconceivable and unexpected become the new abnormal. Nobody is safe and insulated from political persecution and reprisal if you fall out of grace, step on big toes, or disagree with standardization of views, news and opinion," ani Edre Olalia, presidente ng NUPL.

Paninindigan ng mga eksperto na ito ay isang press freedom issue, taliwas sa iginigiit ng mga mambabatas.

"It has everything to do with press freedom. Some members of Congress were basically telling the network how to publish, how to broadcast, what not to broadcast and that precisely is the guarantee of press freedom," ani Te. 
 
Pero aminado ang mga eksperto na mahihirapang makakuha ng remedyo mula sa korte ang ABS-CBN para makabalik sa ere sa lalong madaling panahon.

"Ang mahirap kasi dyan, walang franchise ang ABS-CBN. Kahit na anong sabihin nating pamaraan na legal, babalik at babalik kayo sa puntong, ano ang inyong karapatang mag-ere kung wala kayong prangkisa," sabi ni Soledad Deriquito-Mawis, dean ng Lyceum of the Philippines College of Law.

Sa huli, sinabi ng mga legal expert na kalunos-lunos ang sasapitin ng mga ABS-CBN employee na posibleng mawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya.

Tinatayang nasa 11,000 manggagawa ang masasapul sa kawalan ng prangkisa ng ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.