Pautang ng Pasig para sa mga negosyo, empleyado inilunsad

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 02:02 PM

MAYNILA - Naglunsad ng loan program ang lokal na pamahalaan ng Pasig para sa mga negosyo at mga empleyado nito na nais magsimula muli sa gitna ng pandemya. 

Ito ang "TAPAT: Tulong At Pampuhunang Ayuda para sa Taga-Pasig," kung saan maaaring mag-apply ng loans na aabot sa P10,000 ang mga negosyo at mga empleyado na nawalan ng pagkakakitaan ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic. 

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, layon ng programang payabungin muli ang ekonomiya ng siyudad.

May pondong P200 milyon ang programa at inaasahang nasa 20,000 hanggang 40,000 katao ang magiging benepisyaryo ng programa. 

"With a 200M budget, we can help from 20,000 to 40,000 beneficiaries while stimulating our struggling local economy," ani Sotto sa isang social media post. 

May tatlong klaseng loan na maaaring aplayan ng mga interesado sa ilalim ng TAPAT program. 

Una ay ang "Balik-negosyo" loan para sa mga negosyong kailangang pondohan ang mga kagamitan na para sa "new normal" gaya ng plastic dividers - na aabot ng P10,000.

Pangalawa naman ang para sa mga walang trabaho pero gustong magsimula ng maliit na negosyo, o ang "Bagong Negosyo" program. 

May alok namang P5,000 loan ang Pasig LGU para sa mga nawalan at naghahanap ng bagong trabaho o ang "Balik Trabaho" loan. 

Ang mga interesado ay maaaring mag-apply sa website na ito

Maaari naman daw bisitahin ang mga TAPAT Help Desks na inilatag ng LGU sa Career Center, GAD Compound, Pasig City Hall pero inanyayahan ni Sotto ang mga interesado na online na lang mag-apply "para mas ligtas tayo sa virus." 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.