Kapasidad ng COVID-19 referral centers kailangan pang palawigin - health official

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 04:23 PM

MAYNILA - Dapat na palawakin pa ng mga coronavirus disease 2019 (COVID-19) referral centers ang kanilang kapasidad para mas makatutok sakaling magkaroon ng pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng mangangailangang maospital.

“Yun ang thrust namin ngayon, to increase the capacity of the hospitals,” pahayag ni Health Undersecretary Leopoldo Vega.

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, sinabi ni Vega na ang UP-PGH ay nag-report na mayroon silang higit sa 70 hanggang 80 porsiyentong capacity para sa COVID-19 patients.

“Pinakaimportante dito sa lahat ay i-implement 'yung Administrative Order ng Department of Health na ang minimum bed capacity for COVID sa private institution ay 20 percent at makaro-rollout ng 10 percent para ma-cover ng at least 30 percent if there is a surge,” sabi niya.

Para naman sa government institutions, dapat ma-implement ang 30 percent capacity at mag-expand ng 50 percent hanggang 70 percent kung kinakailangan para sa posibleng pagdami ng mga pasyenteng may COVID-19.

“Kung ma-implement man lang ito I think we will be able to cover mga COVID patients na magpapa-admit sa hospital,” sabi niya.

Sabi ni Vega, may mga ospital pa aniya na hindi pa nakasusunod dito dahil kung susumahin ang bed capacity ng pampubliko at pribadong ospital, dapat mayroon umanong 8,000 available para sa COVID-19 patients.

“Ang computation namin sa capacity ng mga COVID beds nasa 2,800, medyo may gap pa rin ito. 'Yun pinu-push namin to open up more COVID beds lalo na sa public, hindi sila mag-limit lang sa 30 but must be able to expand sa 50 to 70 percent kasi kailangang ma-cover ang COVID-19 patients natin,” dagdag niya.

Kakausapin din aniya nila ang mga hospital director dahil kinakailangang “direct at strategic” ang tugon sa COVID-19 sa panahong ito.

Sa Metro Manila, nasa 17 ang government institution na COVID-19 referral hospitals, sabi ni Vega. Ang critical care utilization o 'yung critical beds, intensive care units, ventilators at human resource ay lumalampas na umano sa warning side.

“Sa Maynila nakita namin 'yung data, lumalampas na sila, nasa warning side na sila. Ito 'yung kinakailangan namin i-push, na mag-open up ang private and public institutions to more beds and intensive care para makapasok COVID-19 clients natin kapag may surge,” sabi niya.

Sa datos ng Department of Health nitong Huwebes, nasa 51,754 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, kabilang ang 12,813 na gumaling at 1,314 namatay na mga pasyente.