'Iresponsable': Komento ni 'Bato' ukol sa ABS-CBN employees inulan ng batikos

Ina Reformina, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2020 09:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


MAYNILA — Matinding batikos ang inabot ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa matapos sabihing hindi siya apektado sa pagsasara ng ABS-CBN, at humanap na lang ng ibang trabaho ang libo-libong manggagawa ng Kapamilya network sakaling magkatanggalan ngayong pandemya.

Narito ang pahayag ni Dela Rosa ilang araw bago pagbotohan ng Kamara ang prangkisa ng ABS-CBN:

"Hanap ng ibang trabaho para mabuhay, magsumikap, may ibang paraan pa naman siguro para mabuhay tayo. Hanap ng ibang jobs, alangan namang sabihin ko sa kanila na maghimagsik kayo. Hindi naman puwede 'yun... Wala akong nakikitang epekto. Hindi naman ako apektado dahil hindi naman ako taga-ABS-CBN. May iba namang news outfits na nagpe-perform," pahayag ng senador.

Umani ng kabila’t kanang batikos sa social media ang pahayag na ito at binansagang "insensitive" o walang pakiramdam, lalo’t sa gitna ng pandemya.

May ilan pang naghamon kay Dela Rosa na siya na lang ang maghanap ng ibang trabaho.

"Mr. Senator, bagay din po sa inyo itong statement niyo. May iba pa pong trabaho. Hanap na lang po kayo ng iba," ayon sa TV personality na si KaladKaren. 

Ang Kapamilya star na si Nikki Valdez, hindi napigilang maluha.

"For me, sa totoo lang ang hirap i-process... Everybody’s trying to just survive. Some don't even have anything to eat the following day. So sana naman bago sila magsalita nung ganun, think of the people who are out there hungry, more so now, ang hirap-hirap maghanap ng trabaho," ani Valdez.

Kinondena din ito ng ABS-CBN rank and file employees union. 

"Napakairesponsableng pahayag po 'yung ginawa ng ating senador Bato. Napaka-insensitive niya po. Sa akin ang dapat di ba ang senador ay lumilikha ng maraming trabaho... Galit na galit po talaga kami," ani Jon Villanueva.

Hindi rin ito nagustuhan ng ilang ordinaryong mamamayan.

"Pag ang politiko po tumatakbo ang pinapangako po natin trabaho para makapaghanapbuhay ang tao nang maayos. Bakit nila tatanggalan ng trabaho?" pagtataka ni Arnold Nachor.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.